New Page 1
City Press Weekly

4 sugatan sa salpukan ng 2 bus
By Jason Q. Vallecer


SAN ANDRES,Quezon – Apat katao ang nasugatan matapos na magsalpukan ang dalawang pampasaherong bus na parehong patungong Lucena City sa bayang ito noong Setyembre 21.
Sa report nang lokal na pulisya, bandang alas-9:40 ng umaga habang binabagtas ng Rona-Ryan (R & R) Bus Line na minamaneho ni Bonifacio Palino ang kahabaan ng Barangay Camflora nang bigla na lang itong tumigil para mag-pick up ng pasahero.
Pinilit naman na mag-overtake ng kasunod na John Tom Liner na minamaneho ni Elmer Pura ngunit sa tulin nang takbo ay hindi na nagawang makaiwas ang naturang bus na nagresulta sa pagsalpok nito sa R & R Liner.
Apat na pasahero mula sa R & R Liner ang nasugatan sa naturang aksidente na agad naming isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Eliza Leria,10; Sandy Tolosa, 29; Walter Velayo, 28; pawang mga residente ng San Andres, Quezon at si Susana Monticod, 32, na residente naman ng Taguig, Metro Manila.


 

2 paslit patay sa pagsabog ng granada
By Jason Q. Vallecer


CALAUAG, Quezon – Patay agad ang dalawang bata matapos masabugan ng pinaglaruan nilang granada sa Barangay Talingting sa bayang ito noong Setyembre 20.
Kinilala nang lokal na pulisya ang mga biktima na sina David Arimado,11 at nakababata nitong kapatid na si Sarah Arimado, 5.
Sa report ng pulisya batay sa salaysay ni Danilo Arimado, ama ng dalawang bata, bandang alas-3:40 ng hapon nang dumating ang magkapatid sa kanilang tahanan galing sa pamimingwit ng isda bitbit ang isang hinihinalang M203 grenade sa pag-aakalang ito ay basyo ng isang body deodorant.
Kumuha umano ng itak ang mga biktima at sinubukan itong buksan na nagresulta sa pagsabog nang naturang granada.
Sa lakas naman ng pagsabog ay agad na namatay ang magkapatid.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, posible umanong napulot ng mga bata ang granada malapit sa lugar kung saan nagkaroon ng engkwentro ang mga tauhan ng military at mga rebeldeng New People’s Army noong Agosto 15.
Nakuha sa lugar na pinagsabugan ng granada ang ilang metal fragments ng M203 grenade at nasa pag-iingat ng Calauag police station.
 

 
 
 

 © 2008 City Press Weekly. All rights reserved