Ika-7 sa “Most Competitive Mid-Sized Cities” sa bansa Lucena City kinilala ng Asian Institute of Management By Jason Q. Vallecer
LUCENA CITY – Mula sa 22 lungsod sa bansa na tinanghal na Most Competitive
Mid-Sized Cities ay kinilala ang Lucena City bilang pang-pito batay sa
isinagawang pagsasaliksik ng Asian Institute of Management Policy Center.
Ang pagpaparangal sa mga napiling lungsod ang pinakatampok sa isinumiteng
resulta ng Philippine Cities Competitiveness Ranking Program (PCCRP), isang
programang ginagamit sa pagsasaliksik na isinasagawa ng AIM Policy Center at may
layuning kilalanin ang mga lungsod sa bansa na mainam panirahan, pagtrabahuhan
at pagtayuan ng negosyo.
Sa kanilang pagsasaliksik para sa taong 2007, nagsagawa ng survey ang AIM sa may
90 lungsod at ibinatay ang antas ng mga ito sa mga sumusunod na criteria:
“dynamism of local economy”, “cost of doing business”, “infrastructure”, “human
resources and training”, “responsiveness of LGU to business needs” at “quality
of life”.
Nagpasasalamat naman si Lucena Mayor Ramon Talaga Jr. sa patuloy na suporta ng
mga Lucenahin at mga empleyado ng pamahalaang panlungsod sa kaniyang mga
programa at proyekto na siyang nagiging daan sa patuloy na pag-unlad ng lungsod
ng Lucena.
“Makakaasa ang mga ito na mas pag-iibayuhin pa ng pamahalaang panglungsod ang
pagbibigay serbisyo upang higit na maramdaman ang pag-asenso sa buong siyudad at
nang makilala pang lubusan sa buong Pilipinas,” ani Talaga.
Ang mga napiling siyudad ay hinati sa tatlong kategorya: ang metro, mid-sized at
small. Sa 90 lungsod ay 25 ang napili bilang top performing cities base sa mga
itinakdang criteria.
Mula sa 25 napili, apat na lungsod ang nagmula sa National Capital Region, 11 sa
Luzon, 4 sa Visayas, at 6 sa Mindanao. Ang top performing para sa metro cities
category ay ang Davao, Lapu-Lapu, Makati, Manila, Marikina at Quezon City.
Mula sa 25 mid-sized cities, ang kasama ng Lucena na top-performing cities ay
Cabanatuan, General Santos, Olongapo, San Pablo, Tagum at Tarlac.
Ang top performing cities naman mula sa 45 small-sized cities ay ang Bayawan,
Calapan, Calbayog, Dagupan, Dipolog, Laoag, San Fernando (La Union), Malaybalay,
Naga, Surigao, Tagbilaran at Tuguegarao.
Ang PCCRP ay isinasagawa kada dalawang taon sa buong bansa na naglalayong
kilalanin ang mga mahuhusay na lungsod base sa kanilang pagpapaunlad ng
ekonomiya at komersyo.