New Page 1
City Press Weekly

Department of Agriculture muling nagkaloob ng ‘hybrid seeds’ sa SPPAQ
By Jason Q. Vallecer

Tinatanggap ni Congressman Proceso Alcala (kaliwa) ang mga hybrid seeds na ipinagkaloob ni Department of Agriculture regional director Abelardo Bragas.

SARIAYA, Quezon – Muling tumanggap ng “hybrid seeds” mula sa Department of Agriculture ang Sentrong Pamilihan ng Produktong Agrikultura sa Quezon bilang pagkilala ng nasyunal na pamahalaan sa aktibong pagsusulong nito sa ikauunlad ng magsasaka sa lalawigan.

Sa turn-over ceremony na ginanap sa SPPAQ sa Barangay Sampaloc 2 nitong nakaraang Biyernes ay tinanggap ni Congressman Proceso Alcala mula kay Avelino Bragas, DA Region IV-A regional director, ang mga 500 bags ng hybrid palay seeds, 50 bag ng yellow corn seeds, 50 bags ng white corn seeds at iba’t-ibang uri ng pananim na gulay na nagkakahalaga ng P500,000.

Sa kanyang maikling mensahe, sinabi ni Bragas saludo siya sa kakayahan ni Alcala hindi lamang bilang isang mambabatas kundi sa malasakit nito sa kapakanan ng mga magsasaka.

Nakikita rin daw niya sa katauhan ni Alcala ang magandang karakter ng isang lingkod bayan dahil na rin sa ginagawa nitong paglapit sa kanyang mga kababayan para malaman ang mga problema ng mga ito.
Personal namang nagpasalamat si Alcala sa DA sa walang sawang pagsuporta nito sa kanyang programang pang-agrikultura lalo na kung ang kapakanan ng mga maliliit na magsasaka.

Binalikan din ni Bragas ang mga nakaraang panahon na umaani ng batikos ang SPPAQ noong sinisimulan pa lamang ito “subalit ngayon ay isa na itong katuparan at maaari nang ipagmalaki sa mga karatig lalawigan”.

Aniya, wala nang hahanapin pa ang mga magbubukid sa programa ng kongresista dahil kumpleto na ito mula sa gulay, mais, palay at livestock.
Nagpasalamat naman si Loreto Basit, presidente ng Sariaya Farmers Association, sa mga tulong na ibinibigay sa kanila ng Department of Agriculture.
Ani Basit, malaki ang naitutulong ng ipinamamahaging hybrid seeds pati na ang mga itinuturong bagong teknolohiya sa pagsasaka para mapataas ang antas ng kanilang mga inaaning pananim.

Ang mga pananim mula sa DA ay tugon na rin sa kahilingan ni SPPAQ administrator Ariel Mańalac para sa mga magsasaka ng ikalawang distrito ng Quezon.
 

 
 
 

 © 2008 City Press Weekly. All rights reserved