October plebiscite sa hati-Quezon tiniyak ng
Comelec – Cong. Suarez By Danny J. Estacio
Congressman Danilo E. Suarez
LUCENA CITY – Kasado na sa Commission on Election (Comelec) ang pagdaraos ng
plebisito sa Oktubre para desisyunan ng taong-bayan ang usapin ng paghahati sa
lalawigan ng Quezon. Ito ang naging pahayag ni Congressman Danilo Suarez (3rd
District) sa panayam ng CPW
Sinabi ng kongresista na mismong si Comelec chairman Jose Melo ang nagsabi sa
kanya tungkol sa isasagawang plebisito sa isang pulong ng Congress oversight
committee na pinamumunuan ng una.
Ayon kay Suarez, base sa pahayag sa kaniya ni Melo, magpupulong muna ang ang
miyembro ng komisyon na kinabibilangan nina Commissioners Rene Sarmiento,
Nicodemo Ferrer, Moslemen Macarambon at Lucenito Tagle para sa en banc
resolution kung anong petsa ikakalendaryo ang plebisito.
“Pero nakakatiyak na sa buwan ng Oktubre,” ani Suarez.
Sa paliwanag ni Suarez, bagama’t may panukalang ipagliban ang halalan sa
Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM), ito ay hindi makakapekto sa
gaganaping plebisito sa Quezon.
Kung hindi mababago ang petsa ng ARMM election ay isasagawa ito sa Agosto 11.
Ang plebisito tungkol sa paghahati sa Quezon ay inaabangan ng buong lalawigan
para kanila na itong madesisyunan.
Ayon sa mga alkalde na pumapabor na mahati ang lalawigan, malaki raw ang
kanilang paniniwala na mapagtutunan ng pansin ng administrasyon sa bagong
probinsya ang mga programang pang-kaunlaran na mag-aangat sa kabuhayan ng mga
mamamayan.
Mauna dito, noong buwan ng Marso ay nilinaw na ng Department of Budget and
Management na may nakalaang pondo ang Comelec sa isasagawang plebisito.
Sa liham ni Luz Cantor, DBM director, kay Director Eduardo P. Mejos, Comelec
Finance Services Department na may petsang March 24, 2008, sinabi nito: “In the
annual General Appropriation Act, the Comelec has been provided a yearly
appropriation for the ‘Conduct and Supervision of Elections and Other Political
Exercises’ as one of the Commission’s regular programs under ‘Operations’.
Under RA 9498, the FA 2008 GAA, a total of P999,698 million has been
appropriated for the said program. It is suggested therefore that the said
political exercise be charged against your regular budget or any available
savings from your continuing appropriations.”
Ang pagliliwanag ni Cantor ay bilang tugon sa hiling ni Suarez na magpalabas ang
pamahalaan ng halagang P38-M para sa kinakailangang pondo para sa isasagawang
plebisito upang makapagpasya ang mga mamamayan ng lalawigan kung pabor ba sila o
hindi sa binabalak na paghahati ng Quezon batay sa itinatakda ng RA 9495 (An Act
Creating the Province of Quezon del Sur).
Sa huling panayam kay Lucena Bishop Emilio Marquez, muli niyang ipinaabot sa mga
mamamayan ng lalawigan ng Quezon ang kahalagahan na mabigyang katotohanan na
mahati ang lalawigan para aniya sa kapakinabangan ng mga naninirahan sa Bondoc
Peninsula at Lamon Bay area sa ika-tatlo at ika-apat na distrito ng probinsya.
Sa panukalang paghahati, ang una at segunda distrito ng lalawigan ay tatawaging
Quezon del Norte.
Ito ay bubuuin ng Lucena City at mga bayan ng Burdeos, Gen. Nakar, Infanta,
Jomalig, Lukban, Mauban, Pagbilao, Patnanungan, Polillo, Real, Sampaloc, Tayabas,
Candelaria, Dolores, San Antonio, Sariaya at Tiaong.
Ang Lucena City pa rin ang kikilalaning provincial capital.
Ang balak namang Quezon del Sur ay bubuuin ng ika-tatlo at ika-apat na distrito
mula sa mga bayan ng Agdangan, Buenavista, Catanauan, General Luna, Macalelon,
Mulanay, Padre Burgos, Pitogo, San Andres, San Francisco, San Narciso, Unisan,
Alabat, Atimonan, Calauag, Guinyangan, Gumaca, Lopez, Perez, Plaridel, Quezon at
Tagkawayan.
Ang lalawigan ng Quezon ay may kabuuang sukat na 862,676 hektarya at itinuturing
na siyang pinakamahabang lalawigan sa buong bansa