New Page 1
City Press Weekly

Huwag haluan ng pulitika

Sa isinagawang pagpupulong ng Marinduque Provincial Peace and Order Council ay inilatag ni Senior Supt. Ismael Lapira, PNP Provincial Director ng Marinduque ang datos ng criminality rate sa loob ng nakalipas na isang taon. Ikinatuwa naman ni Marinduque Gov. Bong Carrion at ng bumubuo ng MPPOC ang napakababang crime rate sa kanilang lalawigan... Nasa leadership lang po yan!

********

Bagamat tahimik at mapayapa ang lalawigan ng Marinduque ay problema pa rin ngayon ang kakulangan ng pwersa ng kapulisan dito. Ayon kay Senior Supt. Lapira, may isang bayan sa Marinduque na ang bilang ng kapulisan ay inaabot lamang ng labing-anim kumpara sa dami ng barangay nito na kanilang binabantayan. Marami na kasi sa kanilang kapulisan ang sumailalim sa early retirement...Calling PNP Chief Avelino Razon, sir!

********

Nagbigay naman ng assurance si Senior Supt. Arturo Invento, Deputy Regional Director ng PNP Reg. IV-B, na nakahanda silang mag-download ng karagdagang pwersa ng mga kapulisan mula sa mga magtatapos ng scouting sa Camp Vicente Lim. Ipinangako rin ni Senior Supt. Invento na ang ipapadala nila ay mga pulis na lehitimong taga-Marinduque...Mas alam nga naman ng mga ito ang sarili nilang lugar!

********
Bago matapos ang pagpupulong ay sinabi ni Gov. Carrion na hihintayin nila ang ipinangakong karagdagang pwersa ng kapulisan na ipadadala ng PNP Regional Office IV-B sa kanilang lalawigan. Nagbigay naman ng assurance si Invento sa gobernador at idinagdag pa nito na kung kulang pa ang kanilang ipadadala ay magpasabi lamang ang pamahalaang panlalawigan at kanila pa itong dadagdagan...Iyan ang opisyal, may isang salita!

********
Sa naturan ding pagpupulong ay idineklara na ng Armed Forces of the Philippines sa pangunguna ni Brig. General Roland Detabali, chief ng Army’s 2nd Infantry Division, na insurgency free na ang lalawigan ng Marinduque dahil sa pagkakalansag sa grupo ng mga rebeldeng nag-ooperate doon. Sinabi rin niya na hindi magtatagal at itu-turn over na nila sa PNP sa lalawigan...It’s your turn, ika nga!

********
Dumako naman tayo dito sa lalawigan ng Quezon. Kamakailan lamang ay pinaslang ang isa nating kasamahan sa hanapbuhay sa bayan ng Sariaya. Ang hinanakit ng mga kaanak ng biktima ay ang mabagal na pagresponde ng ating kapulisan samantalang napakalapit naman umano ng detachment ng 415th PPMG sa lugar na pinangyarihan ng krimen...Biro nga ni kasamang Kulas: “Pag pulis o opisyal ang inambush, mabilis ang responde; Pero pag media, mabagal ang responde!”

********
Sa isinagawang follow-up operation ng binuong Task Force Sison ay nakahuli sila ng dalawang lalaki na sinasabing positibo sa gun powder burns. Nahulihan din ang mga ito ng baril. Ngunit sinabi naman ni Quezon PNP Director Senior Supt. Fidel Posadas na hindi pa rin maituturing na suspek ang dalawa hangga’t hindi lumalabas ang resulta ng ballistic report. Pero lumabas sa isang national TV network na ang dalawa ang siyang itinuturong suspek...Ano ba talaga ang totoo, PD?

********
Ayon kay Supt. Ed Somera, head ng Task Force Sison, hindi sila titigil hanggat hindi nalulutas ang kaso ng pagpatay kay Bert Sison. Aniya, patuloy ang gagawin nilang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod nang pagpaslang sa nabanggit na broadcaster at mabigyan ng katarungan ang pagkamatay nito...Sana nga, hindi lang puro imbestigasyon. Sana magkaroon ng positibong resulta!

********
Umaasa naman ang pamilya ng biktima maging ang mga mamamahayag sa lalawigan ng Quezon na sa malao’t madali ay malulutas ang kaso. Kasabay na rin nito ang pakiusap na sana’y maging transparent ang mga opisyal ng PNP sa lalawigan sa kalalabasan ng imbestigasyon...At sana rin huwag na itong sawsawan ng mga pulitiko!
For comments, suggestions and reactions, email me at jvallecer@gmail.com

 

 
 
 

 © 2008 City Press Weekly. All rights reserved