Kasado na ang plebisito para sa paghahati sa lalawigan ng Quezon sa dalawang
probinsya – ang Quezon del Sur at Quezon del Norte.
Nagtataka lang ako kung bakit si Congressman Danilo Suarez ang siya ngayong nasa
unahan ng pagpapaliwanag kung bakit dapat nang mahati ang lalawigan gayung hindi
naman siya ang principal author ng RA 9494 na siyang batas na lilikha sa Quezon
del Sur?
Sa pagkakaalam ko ay “sabit” lang sa batas na ito si Congressman Suarez. Umamin
nga siya na ang talagang balak niya ay kontrahin ang panukala sa Kongreso dahil
hindi siya sang-ayon na mahati ang lalawigan.
Pero dahil daw sa kanyang karanasan noong nakaraang eleksyon na personal niyang
nakita at namalas ang dinadanas na hirap ng maraming maralitang taga-Quezon na
hindi makalasap ng serbisyo mula sa pamahalaang panglalawigan dahil sa layo nila
sa kapitolyo, ito raw ang nakapagmulat sa kanya para magbago ng kanyang posisyon.
Ang tanong ko naman ngayon ay nasaan ang mga orihinal na awtor ng nasabing batas?
Bilang mga “nalalabing” principal sponsors ng RA 9495, poposisyon ba sina
Congressmen Lorenzo “Erin” Tañada at Proceso Alcala sa unahang hanay ng kampanya
para manalo ang YES sa plebisito?
Hindi sapat yung deklarasyon nila na sila ay pumapabor sa paghahati ng lalawigan.
Kinakailangan ang pagkilos at pagpapamalas nila ng kanilang kongkretong suporta
sa layuning ito sa pamamagitan ng aktibong pagkampanya para maiparating nila sa
buong lalawigan at makumbinsi ang mga mamamayan sa kahalagahan ng katuparan ng
nasabing batas.
Dahil kung hindi nila gagawin ito, hindi mapipigilang magduda ang mga mamamayan
na nakumbinsi na rin sila ni Gobernador Rafael Nantes na iabandona na ang
paghahati sa lalawigan.
Sa kung anong dahilan?
Its plain and simple…POLITICAL OPPORTUNISM. No more, no less.
Take note: Si RPN ang pinaka-ORIG na awtor ng batas kasama si dating
Congressman/Senator Wigberto “Ka Bobby” Tañada pero ngayong siya ang nakaupo sa
kapitolyo ay bigla nagbago ng postura at ngayon ay deklaradong kontra na sa
katuparan ng batas na siya ang nagpanukala.
Ipinamamarali pa raw ni RPN na nakausap na niya sila Erin at Procy at nakumbinsi
na ipagpaliban na muna ang paghahati sa lalawigan.
Dapat itanim sa isipan ng mga taga-Quezon na hindi ang mga pulitiko ang
magtatakda sa direksyon ng probinsya kundi ang sambayanan mismo.
Kung matapos ang kanilang sariling pag-aaral ay napagtanto nila na hindi pa
dapat mahati ang lalawigan o kaya naman ay napapanahon na para maging dalawang
probinsya ang Quezon, ito ang ipahayag nila sa araw ng plebisito.
Ang mahalaga ay ang aktibong pakikisangkot nating lahat sa pagbubuo ng
matalinong pagpapasya hindi batay sa kumpas ng mga pulitiko sa ating paligid na
walang ibang tinitingnan kung hindi ang tila walang katapusang preserbasyon ng
kanilang political interest.
Sa nalalapit na plebisito, dapat ang mamayani ay ang talino at hindi ang tila
bulag na pagsunod sa mga diyos-diyosang pulitiko.
Matuto na tayo sa aral ng ating nagdaang maling pagpapasya.
###########
Isang malaking karangalan para sa akin ang ibinigay na pagtitiwalang pamunuan
ang National Union of Journalists of the Philippines – Quezon chapter sa susunod
na isang taon.
Sa isang panahon na maituturing na nahaharap sa malaking hamon ang propesyon ng
pamamahayag sa bansa bunga ng walang habas na pag-atake sa kalayaan ng
pamamahayag bukod pa rito ang katotohanan na patuloy kaming nakalantad sa
panganib at halos itinuturing nang “endangered specie” dahil sa walang patid na
pandarahas sa aming hanay at pagpaslang sa marami na naming kasamahan, isang
mahalagang tungkulin ang nakaatang sa aking balikat.
Sa katuparan ng layuning ito, wala akong pagkukunan ng gabay at lakas kung hindi
ang aming Boss Tsip at Editor-in-Chief sa itaas. Sa patuloy Niyang pagbibigay
proteksyon sa inyong lingkod, matapat ang aking paniniwala na walang pagsubok na
hindi ko kakayaning malampasan sa pagtupad ko sa aking bagong tungkulin.
That’s it!
Ladies and gentlemen of NUJP-Quezon…let’s all move on and carry on the struggle
to protect and defend press freedom.
Pero siyempre, paminsan-minsan naman ay isisingit natin ang “fellowship time”
para hindi tayo palaging seryoso.
Kaso, mahirap pala ang may istak na beer sa bahay ko.
May mga kakosa na gustong gawin itong beer house.
Nang mabasa ng kumander ko ang text message ng isang kakosa kung puwedeng dumayo
sa bahay at magpalamig ng ilang bote ng beer.
Ang mabilis na sagot:
No puwede!
Matapang lang tayo sa pagsusulat pero “ander de saya” ako sa totoong buhay.
But I’m damned proud of it!
###########
Napaharap agad ang aking pamumuno sa NUJP-Quezon sa isang hindi ko malaman kung
titingnan ko bang problema o hindi.
Galit o tampo daw sa media ng Quezon si Congressman Proceso Alcala dahil sa
pagkakapagbalita (marami sa miyembro namin ang nagbalita) sa naganap na raid sa
ancestral house ng mga Alcala sa Barangay Cotta sa Lucena City kamakailan na
nagresulta sa pagkakasakote sa kanyang nakababatang kapatid na si Athel at anak
nitong si Sahjid dahil may mga nakuhang illegal na droga sa nasabing bahay.
Si Athel at si Sahjid ay matagal nang nasa top list ng Lucena City police ng mga
hinihinalang big-time drug pushers ng shabu hindi lamang sa siyudad kung hindi
maging sa mga karatig na bayan.
Ang partikular daw na ikinagalit ni Procy ay ang pagkakadawit ng kanyang
pangalan sa mga naglabasang news reports.
Hindi ko pa nakakausap si Procy, personal man o sa telepono, tungkol sa bagay na
ito kaya hindi ko masabi kung totoo nga ba ang impormasyon ko tungkol sa kanyang
damdamin sa hanay ng media sa Quezon. Ipinarating lang ito sa akin ng isang
impormante na pinaniniwalaan kong hindi naman ako ibubuslot.
Pero ilang oras lang matapos ang raid sa kanilang lumang bahay ay agad kong
tinawagan si Procy sa kanyang mobile phone upang kunin ang kanyang komentaryo sa
nasabing insidente.
Nagkausap naman kami at ayon sa kanya ay bagong gising pa lang siya at sa akin
pa lang niya unang nalaman na sinalakay ang kanilang matandang bahay at nahuli
nga ang mag-amang si Athel at Sahjid.
Nagpahayag siya ng kanyang panig hinggil sa insidente at pinakisuyuan pa niya
ako na ito na rin ang aking iparating sa aking mga kasamahan sa media na siya ko
namang ginawa.
Kaya sa totoo lang, hindi ako naniniwala na may galit o tampo si Procy sa media
dahil alam kong batid niya na gumampan lang kami sa aming trabaho.
Isang malaking story sa Philippine Daily Inquirer ang nasabing shabu raid kasama
ang tatlong photos na ibinato ko rin kasama ng aking isinumiteng report. Yes, sa
ginawa kong report ay kasama si Procy bilang kapatid at tiyuhin ng nahuling
suspects. As a matter of fact, ito ang lead paragraph ng aking report
Gusto ko lang ipaliwanag na sa katulad kong correspondent ng isang national
broadsheet, ang aming reports ay palaging nakapokus sa malaking angle.
Generally, may ganito ring panuntunan ang halos lahat ng media – peryodiko,
radio at telebisyon.
Kung si Athel ay hindi kapatid ng isang kongresista, isang pangkaraniwang police
report lang ang lalabas na balita kinabukasan. Pero dahil kapatid nga ng isang
opisyal ng gobyerno ang nahuling mga suspects, hindi maiiwasang hindi
makakaladkad ang pangalan ng opisyal.
Sa ibang report ay hindi na kinuha ang komentaryo ni Procy hinggil sa
pagkakahuli ng kanyang kapatid at pamangkin, pero sa report ng NUJP-Quezon
members, tiniyak namin na kasama sa balita ang kanyang panig. Kaya masasabi kong
naging parehas ang naging pagbabalita ng NUJP-Quezon members tungkol sa shabu
raid.
Kung talagang totoo nga na galit o tampo si Procy sa media dahil sa pagkakadawit
ng kanyang pangalan, wala kaming magagawa kung hindi igalang ang kanyang
damdamin.
Now, kung may dadating na pagkakataon na may isang news event si Procy na sa
tingin namin ay kinakailangang makarating sa kaalaman ng publiko, tinitiyak kong
pupunta at pupunta pa rin kami para ikober ito.
May isa lang akong kahilingan – huwag sana hahadlangan sa gagawin naming
coverage.
Sabi nga ng isa kong kasamahan, kapag lumala ito at pinandigan ni Procy ang
kanyang tampo o galit sa media, masarap daw uminom ng ice cold beer sa Mug Café.
Opps, soya nga yan.
But I’m now alcohol free.
Ciao.